--Ads--

Isang barkong bulk carrier na pinamamahalaan ng kumpanyang Griyego at may bandilang Liberia—ang Eternity C—ang inatake nitong Lunes sa karagatang sakop ng Yemen, ayon sa ulat ng maritime authorities.

Naganap ang insidente 50 nautical miles mula sa daungan ng Hodeidah. Ayon sa operator na Cosmoship Management, 22 ang sakay ng barko—21 sa kanila ay mga Pilipino.

Inatake umano ang barko gamit ang sea drones at apat na bangkang mabilis na may sakay na armadong lalaki. Apat na RPG ang pinakawalan, tumama sa tulay ng barko, at sumira sa komunikasyon.

Sa ngayon, adrift o wala sa kontrol ang barko ayon sa EU’s Operation Aspides. Dalawang tripulante ang sugatan habang dalawa pa ang nawawala. May tatlong armadong guwardiya sa barko ngunit hindi napigilan ang pinsala.

--Ads--

Ang insidente ay kasunod ng pag-atake rin sa isa pang barkong Griyego, ang Magic Seas, na sinabing lumubog ng mga rebeldeng Houthi. Gayuman, hindi pa ito kumpirmado. Ligtas namang nakarating sa Djibouti ang 19 na Pilipinong sakay nito.

Pinaalalahanan ng mga otoridad ang mga Pilipinong marino na mag-ingat habang tumatawid sa Red Sea, sumunod sa direktiba ng kapitan at security officers, at manatiling alerto sa banta ng karahasan.