
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Guest Relations Officer(GRO) matapos na pagbabarilin dakong alas diyes kagabi sa San Mariano, Isabela.
Ang biktima ay si Lea Rosales Duarte, 33 anyos, nagtatrabaho bilang GRO sa isang KTV bar at residente ng Zone 3, San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PSSgt. Rogelio Ignacio Jr., imbestigador ng San Mariano Police Station na batay sa kanilang pagsisiyasat, naglalakad ang biktima kagabi papunta sa KTV Taguiam bar nang siya ay pagbabarilin.
Patuloy ang kanilang imbestigasyon dahil batay sa mga tao sa lugar, bigla na lamang silang nakarinig ng putok ng baril at nakita na lamang nila ang nakahandusay na katawan ng biktima.
Nagtamo si Duarte ng tama ng baril sa kanyang ulo at iba pang bahagi ng kanyang katawan.
Sinabi ng isang kamag-anak ng biktima na wala silang alam na motibo sa pagbaril at pagpatay sa kanya dahil walang sinasabing problema at wala rin silang nababalitaan na kaaway nito.
Ang alam lang nila ay nagtutungo si Duarte sa KTV bar at laging pumupunta sa Lunsod ng Ilagan para bisitahin ang kanyang anak.




