--Ads--

Isinagawa ngayong araw ang Groundbreaking Ceremony ng National Food Authority (NFA) Modernize Warehouse bilang suporta sa buffer stocking program ng ahensiya.

Personal itong dinaluhan ni NFA Administrator Lary Lacson kasama ang mga regional officials ng NFA at maging opisyal ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Cauayan na pinangunahan ni Mayor Caesar Dy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NFA Administrator Lary Lacson, sinabi niya na ang proyekto ay bahagi ng modernisasyon na ginagawa ng pamahalaan  sa NFA upang makatulong sa mga magsasaka.

Katuwang dito ang ipinagkaloob na pondo ng bansang Japan na magamit para sa pagbili ng state of the art na mga equipment.

--Ads--

Ayon kay Lacson, sakaling matapos ang proyekto mas mapapalawak nito ang buffer stocking ng NFA, ibig sabihin mas madaming bigas ang mabibili ng NFA sa mga magsasaka na makakatulong sa kanila.

Aniya, bukod sa makabagong kagamitan na mayroon ito ay mas magiging high tech din ang pasilidad dahil kahit saan ay maaaring mamonitor ang nagiging aktibidad ng warehouse.

Bukas ay nakatakda ring  magkakaroon ng kaparehong aktibidad sa bayan ng Roxas, Isabela para sa itatayo ring modernized warehouse ng NFA.

Samantala, umaasa naman ang mga farmer leaders na totoong makikinabang ang mga magsasaka sa mga bagong tinatayong pasilidad ng NFA.

Sa panyam ng Bombo Radyo Cauayan kay Virgillio Campo, Chairman ng Agriculture and Fishery Counsil ng lungsod,  sinabi niya na napakaganda ng programa para sa mga magsasaka dahil sagot ito sa kanilang kahilingan na mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming magsasaka na makapagbenta ng kanilang pananim.

Ikinatuwa rin nito ang pagkakaroon ng drying equipment ang tinatayong pasilidad dahil magiging kapaki-pakinabang ito lalo na kapag tag-ulan.