--Ads--

Hinihintay pa lamang ng Federation of Free Farmers (FFF) ang Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema para sa pansamantalang pagpapatigil sa Executive Order 105 na magpapatupad ng flexible tariff rates sa imported rice.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmers Chairman of the Board Leonardo Montemayor, sinabi nito na noong Disyembre 2025 ay naghain sila ng petisyon sa Korte Suprema para pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng EO 105 na nagtatakda ng 15% taripa sa imported rice.

Itinatakda rin ng kautusan ang flexible tariff rates na bubuuin ng isang interagency group na maglalaro sa minimum na 15% at maximum na 30%, depende sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Batay sa grupo, ang EO 105 ay lumabag sa ilang panuntunan gaya ng kawalan ng public consultation sa Tariff Commission.

--Ads--

Giit ni Montemayor, ang pangunahing mandato ng pamahalaan ay protektahan ang interes ng mga lokal na magsasaka.

Dagdag pa niya, ang pagtatatag ng interagency group na mangangasiwa sa tariff rates ay isa ring paglabag sa batas o unfair delegation of powers, dahil ang pagtatakda ng taripa ay trabaho lamang ng Pangulo, lalo na kung wala sa sesyon ang Kongreso.

Sa ngayon, kumpirmadong natanggap na ng Korte Suprema ang kanilang petisyon at hinihintay na lamang kung na-raffle na ito.