CAUAYAN CITY- Pabor ang grupo ng mga guro sa panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magkaroon ng pagbabago sa K-12 program.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Teachers’ Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas, sinabi niya na pabor siya sa obserbasyon ni Pangulong Marcos na walang naitulong sa employment ng mga graduates ang nasabing programa.
Sa ngayon aniya ay may tinatalakay na ang mga mambabatas na gustong baguhin sa K-12 Program kung saan kabilang na rito ay ang pamamahala ng TESDA sa mga technical vocational courses habang DepEd sa academics.
May mga mungkahi rin aniya na tawaging high school graduates na ang mga nagtapos ng Grade 10 habang Pre-College naman sa Grade 12.
Samantala, isa rin sa mga posibleng gawin ang tuluyang pangtanggal ng K-12 program.
Sa ngayon ay naghihintay rin sila sa magiging resulta ng pag-aaral ng bagong liderato ng DepEd kaugnay sa adjustment o pagbabago sa K-12 program.