--Ads--

Inihayag ng isang grupo ng mga guro sa bansa na nararapat lamang na pag-aralan muli ng pamahalaan ang polisiya sa class suspension tuwing may bagyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Benjo Basas, Chairman ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa maraming araw ang nasayang dahil sa mga ipinatupad na class suspensions dahil sa pananalasa ng mga bagyo sa bansa.

Aniya dapat na ang  pangulo na ang nagdedesisyon kagaya ng mga nakaraan na regional level ang desisyon ng Malacanang, para may uniformity at hindi na magkakaiba-iba sa bawat bayan, lungsod at probinsiya. Halimbawa nito ay buong Region II, III, NCR, CAR at Region I.

Sa Ilalim ng polisiya ang class suspensions tuwing may bagyo ay nakadepende sa discretion ng local government leaders o LGUs. Binibigyan ng mandato ang mga public schools na sundin ito habang sa mga private schools ay may opsyon na sundin o hindi.

--Ads--

Hindi na ito beneficial o nakakatulong sa mga guro at estudyante base sa mga nangyari sa nagdaang mga bagyo dahil may mga lugar na nakasailalim sa signal no. 1 at maganda pa ang lagay ng panahon ngunit kinakailangan na nilang magkansela ng klase.

Nararapat lamang na ibalanse ang pagprayoridad sa kaligtasan ng mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng resonableng class suspension at hindi nakakaapekto sa learning crisis.

Dahil dito ay maraming paaralan sa mga rehiyong tinamaan ng mga bagyo ang magsasagawa ng Saturday make-up classes upang macompensate ang mga araw na hindi pagpasok ng mga mag-aaral.

Hindi naman pabor dito ang TDC dahil ang lubhang mahihirapan naman dito ay ang mga guro at maganda aniyang mag-isip pa ang Deped ng ibang paraan na walang sektor na maaagrabayado lalo na at sila ay naapektuhan pa ng nagdaang kalamidad.

Iginiit ni Ginoong Basas na kailangan na talagang I-review ang Deped Order upang mabigyang solusyon at makarekober ang pag-aaral ng mga estudyente na lubhang apektado sa mga nagdaang bagyo.