Ikinatuwa ng grupo ng mga guro ang pagsasabatas sa Basic Education Mental Health and wellbeing promotion Act na layuning mapalakas ang mental health programs sa mga eskwelahan.
Ayon kay Deped Secretary Sonny Angara, dahil sa batas ay mas madali na ngayon ang pag-hire ng mga guidance counselor at mas madali na ang pag-access sa guidance and counseling programs sa mga eskwelahan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Benjo Basas, Chairman ng Teachers Dignity Coalition sinabi niya na natutuwa sila sa batas dahil mas mapapalakas na ang mental health programs ng Deped na sa tingin nila ay bitin at hindi maayos ang implementasyon sa mga nagdaang taon.
Maraming paaralan ang walang mga guidance counselor kahit pa kailangan nilang magkaroon dahil na rin sa mataas na requirement na hinahanap para sa nasabing posisyon ngunit mababa naman ang sweldo.
Aniya ang nasabing batas ang nagsilbing sagot sa nasabing problema kaya pinasalamatan nila ang kongreso sa paggawa nito at ang pangulong Marcos naman para sa pagpayag dito na gawing batas.
Magandang balita rin ito sa mga guidance counselors dahil tumaas ang kanilang ranggo sa Salary Standardization Law.
Bagamat maituturing ang mga guro bilang pangalawang magulang ng mga mag-aaral ay hindi ito sapat dahil pagtuturo ang pangunahing gawain nila at kung magkakaroon na ng mga guidance counselor ay mas mapagtutuunan nila ng pansin ang mga subject na kanilang itinuturo.
Mas maiiwasan na rin ang mga conflict sa pagitan ng mga guro at estudyante dahil sa mga hindi magandang behavior ng mga bata.