
CAUAYAN CITY – Pinawi ng COMELEC Region 2 ang pangamba ng ilan kaugnay sa mga grupo na nagpapa-shade umano ng mga balota sa mga botante.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Jerby Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2 at Election Officer ng Cauayan City na hinihintay pa lamang ang pagdating ng mga official ballot at election paraphernalia sa mga lalawigan at lunsod.
Lahat ng mga Vote Counting Machines o VCM ay dumating na sa Region 2 at naibigay na sa iba’t ibang mga lalawigan sa rehiyon habang ang mga official ballot ay ipapadala pa lamang sa mga provincial treasurer at city treasurer.
Nilinaw ni Atty. Cortez na wala pang mga official ballots na naipamigay sa mga lalawigan at lunsod sa rehiyon kaya maituturing na fake news ang sinasabing mayroon nang grupong nagpapa-shade ng mga balota.
Naka-sealed ang mga official ballots at hindi basta basta mabubuksan ng sino man at naka-sealed pa rin kapag naipadala sa mga Electoral board sa mga presinto sa mga barangay.
Sa buwan ng Mayo o isang linggo bago ang araw ng halalan darating ang mga official ballots.
Epekto ng mga fake news ang mga lumalabas na balitang mayroon nang mga balota na naka-shade na ang mga pangalan ng mga kandidato.
Samantala, inihayag pa ni Atty. Cortez na sa buong ikalawang rehiyon ay may sampong red category.
Ang naturang mga lugar ay natukoy na may history intense rivalries ng mga kumakandidato noong mga nakaraang halalan.
Inihayag pa ni Atty. Cortez na sa Mayo 9 ay magsisimula ang botohan ganap na alas sais ng umaga at magtatapos alas siyete ng gabi.
Pinaalalahanan nito ang mga botante na magdala ng sariling ballpen at magsuot ng facemask bago magtungo sa mga polling areas upang bomoto.










