CAUAYAN CITY – Nabahala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa mga kumakalat na pekeng abono dahil kawawa ang mga mabibiktimang magsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engineer Rosendo So, Chairman ng SINAG na dapat ma-check ito sa Cagayan dahil sa lalawigan ng Nueva Ecija at Pangasinan ay hinuhuli na ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ang mga nagbebenta ng pekeng abono.
May koordinasyon na sila sa FPA ngunit may natanggap silang impormasyon na dinadala sa Cagayan ang mga pekeng abono.
Mababa aniya ang content ng pekeng abono dahil sa triple 14, ang nitrogen ay 2% lang habang ang 0.3% ang phosporus at 0.5% ang potassium batay sa isinagawang pagsusuri ng FPA.
Ayon kay Engineer So, peke ang abono kung ang granulated form nito ay mabilis na ma-break o mabasag kaya dapat ipasuri agad at isumbong ng magsasaka sa kanilang Municipal Agriculture Office kung maranasan ito.
Layunin nito na mahuli ang mga nagbebenta ng pekeng abono na ipinagbibili ng P1,500 bawat sako.
Ang mga nagbebenta ay dumidirekta sa mga magsasaka at idinadaan pa sa social media.
Sinabi ni Engineer So na sumulat na sila kay Pangulong Bongbong Marcos para masugpo ang illegal na gawain na ito dahil kawawa ang mga magsasaka.