CAUAYAN CITY – Hindi sapat na sinuspindi lang ang operasyon kundi nais ng mga samahan na tutol na mai-renew ang Financial and Technicial Assistance Agreement o FTAA na ganap nang maisara ang Oceanagold Philippines Incorporated sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo radyo Cauayan, sinabi ni Julie Simongo, chairperson ng Samahang Pangkarapatan ng Katutubong Manggagawa at Magsasaka Incorporated (SAPAKMI) na natigil lang ang milling plant ng minahan ngunit nakikita pa rin nilang pumapasok ang mga empleado.
Nagpapasalamat sila na tutol din ang munisipyon ng Kasibu at pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa operasyon ng minahan dahil sa malaking pinsalang dulot nito sa kalikasan, sakahan at ang pagkahati-hati ng mga tao sa Didipio.
Ayon sa chairperson ng SAPAKMI, patuloy ang kanilang pagbabarikada sa entrance ng Oceanagold simula noong Hulyo 2019.
Naninindigan sila na hindi sila titigil hanggat hindi napapaalis ang mining company.
Hindi rin aniya compliant ang kompanya dahil sa pagkasira ng kalikasan tulad ng polusyon sa ilog, kawalan ng tubig at paglabag sa karapatang pantao tulad ng naganap noon na demolisyon..
Mayroon aniyang ospital sa lugar ngunit hindi operational, may water system ngunit hindi nagagamit.
Umaasa ang mga tutol sa operasyon ng minahan na ang magiging pasya ng Department of Environment and Natural resources (DENR) at ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan na irenew ang FTAA ng minahan ay magiging pabor sa panig ng mga mamamayan.












