Nilinaw ng mga kinauukulan ang umiiral na guidelines sa pagbebenta ng gasolina gamit ang galon matapos ang paunang kalituhan, lalo na sa mga baybaying bayan kung saan marami ang umaasa sa pangingisda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Artemio Villaluz Jr., Department Head ng City Licensing Office, sinabi nito na nagkaroon ng maling interpretasyon noon na nagdulot ng pangamba sa ilang mamimili, partikular sa usapin ng umano’y labis o ilegal na pagbili ng gasolina.
Gayunman, binigyang-diin ng opisyal na may malinaw na patakaran na dapat sundin ng mga gasoline station at ng mga mamimili.
Aniya, pinapayagan ang mga mangingisda na bumili ng gasolina gamit ang galon, lalo na’t hindi nila kayang dalhin ang kanilang mga bangka sa mga gasolinahan. Subalit, kinakailangan pa rin nilang sumunod sa itinakdang safety standards, kabilang ang paggamit ng ligtas at angkop na lalagyan.
Dagdag pa rito, nananatili ang limitasyon sa dami ng ibinebentang gasolina upang maiwasan ang labis na pagbili at masiguro ang sapat na suplay para sa lahat.
Iginiit ng mga awtoridad na ang mga patakarang ito ay ipinatutupad upang mapanatili ang kaligtasan, maayos na distribusyon, at maiwasan ang kalituhan, lalo na sa mga baybayin.











