--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagluluksa  ang pamilya ng dalawang nasawi sa nangyaring banggaan ng kolong-kolong at isang forward truck sa national highway Rizaluna, Alicia, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Alicia Police Station, naganap ang banggaan na ikinasawi ng isang guro at isang negosyante na lulan ng kolong-kolong.

Ang mga nasawi ay ang nagmaneho ng kolong-kolong na si Bella Lappao, 52 anyos at sakay na si Novalie Pagapa-Nganget, 40 anyos at kapwa residente ng Del pilar, Alicia Isabela.

Ang forward truck naman ay minaneho ni Teofy Masibay, 42 anyos, may asawa, residente ng Imus, Cavite.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon ng Alicia Police Station, patungong timog na direksyon ang forward truck habang nasa kasalungat na direksyon ang kolong-kolong.

Nag-overtake umano ang tsuper ng kolong-kolong at lumihis ito sa kaliwang bahagi ng lane na sakop ng forward truck.

Hindi umano ito napansin ni Masibay kayat nabangga ang kolong-kolong at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ng mga biktima.

Dinala sa ospital ng mga tumugon na kasapi ng rescue team ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanilang attending physician.

Samantala, nagluluksa rinang pamilya ng isa sa dalawang nasawi na si Novalie Pagapa-Nganget.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi Ginoong Domingo Nganget, asawa ng biktima na napakabuting ina ang kanyang misis.

Aniya, kada Lunes nagtutungo ang kanyang misis sa Alicia East District para magreport dahil naki-ranking para makapagturo.

Sa katunayan ay rank 3 ang kanyang misis at  makakapagturo na sana sa  susunod na taon.

Sinabi niya na may contact ang kanyang asawa sa isang tricycle driver na palaging sumusundo at naghahatid pauwi sa kanilang bahay subalit nagulat siya kung bakit sumakay sa iba.

Apat ang kanilang maliliit na anak at hindi niya alam ang kanyang gagawin sa ngayon kaya dasal niya ang paggabay sa kanila ng Panginoon.

Nagkaharap na ang kanyang mga kapatid at tsuper forward truck at ipinasa-Diyos na lang niya anuman ang kanilang napag-usapan dahil sa ngayon ay magulo pa ang kanyang isip.

Ang pahayag ni Ginoong Domingo Nganget