Isang guro mula sa Cauayan City Stand Alone Senior High School ang pasok bilang National Finalist sa Outstanding Filipinos Awards for Teachers (Secondary Education Category).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ramon Villanueva, Teacher II ng nasabing paaralan, sinabi niya na noong Enero ay nominado siya sa prestihiyosong parangal sa pangunguna ng kanilang punong-guro na si Principal John Mina.
Aminado si Villanueva na una niyang tinanggihan ang nominasyon dahil sa pakiramdam niyang hindi sapat ang kanyang karanasan para sa ganitong kompetisyon. Subalit sa initial review ay pumasa ang kanyang mga dokumento, dahilan upang mapabilang siya sa mga Pre-qualifiers. Kalaunan ay napabilang siya sa mahigit 30 National Qualifiers mula sa mahigit 60 na aplikante.
Aniya, hindi naging madali ang proseso dahil sa masusing pagsusuri sa kanilang mga ipinasa. Matapos ang screening, nakalusot siya sa Semi-final round, kung saan mas naging mahigpit ang labanan.
Bago makapasok sa National Finalist stage, isinailalim sila sa close-door screening, kung saan pinagawa sila ng lesson plan at learning materials, at isinailalim sa demo teaching. Halos mawalan siya ng kumpiyansa sa sarili dahil sa antas ng aktibidad at sa mga bigating miyembro ng panel na nagsagawa ng interview.
Bilang isang app developer, ginamit niya ang kanyang kaalaman upang makatulong sa kapwa guro. Bumuo siya ng isang aplikasyon o programa na nagpapadali sa paggawa ng school records at reports. Isa rin siya sa mga nag-develop ng learning materials at activity sheets noong pandemya, na kalauna’y in-adopt ng ilang Division Offices dahil sa positibong epekto nito.
Ikinuwento rin ni Villanueva na noong una ay nais niyang kumuha ng kursong Journalism, ngunit dahil walang paaralan noon na nag-aalok nito, pinili niyang kumuha ng kursong Information Technology. Kalaunan ay nahilig siya sa pagtuturo at dito niya nahanap ang kanyang tunay na passion.
Aniya, isang malaking fulfillment para sa kanya bilang guro ang maging bahagi ng buhay ng kanyang mga estudyante at makatulong sa paghubog ng kanilang kinabukasan.
Nag-iwan din siya ng payo sa mga kabataan: huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok. Bilang isang taong may kapansanan, pinatunayan niyang hindi hadlang ang pisikal na limitasyon sa pag-abot ng pangarap—basta’t handa kang ibigay ang iyong buong makakaya.











