--Ads--

Desidido ang isang guro sa Negros Occidental na sampahan ng kaso ang kanyang asawang pulis matapos itong pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Ayungon, Valladolid, Negros Occidental.

Kinilala ni Police Captain Bonifacio Galvez Jr., Deputy Chief of Police ng Valladolid Municipal Police Station, ang biktima na si Alias ​​Lauerece, 37, guro, habang ang suspek ay asawa nitong si Police Corporal Alias ​​Jomie, 33, nakatalaga sa Malay Municipal Police Station sa ilalim ng Aklan Police Provincial Office.

Pahayag ni alyas Lauerece, matapos na pumasok ang kanyang mister sa kanilang kwarto para matulog, bigla itong bumangon at kinuha ang kanyang inisyu na baril.

Binuksan niya ang ilaw at nakita niyang nakatutok sa kanya ang baril.

--Ads--

Habang tinatangka niyang tumakas at i-lock ang pinto, pinaputok ni Alyas Jomie ang baril,.

Nagtamo ang guro ng sugat sa braso at isinugod siya sa Don Salvador Benedicto Memorial District Hospital para malapatan ng lunas.

Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si alyas Jomie sa Valladolid Municipal Police Station.

Desidido ngayon ang biktima na magsampa ng kasong frustrated parricide laban sa kanyang mister.

Ang mag-asawa ay may dalawang anak, isang 13 taong gulang at isang bagong silang na sanggol.