--Ads--

Isang guro ang nasawi matapos mawalan ng malay at mabagok ang ulo habang isinasagawa ang kanyang classroom observation o COT sa loob ng silid-aralan sa Muntinlupa City nitong Lunes.

Batay sa ulat, nasa gitna ng kanyang pagtuturo ang guro sa harap ng mga mag-aaral at dalawang observer nang bigla siyang makaramdam ng hilo, mawalan ng malay, at tuluyang bumagsak.

Agad siyang dinala sa ospital ngunit pumanaw din makalipas ang ilang oras.

Kinumpirma ng Teachers’ Dignity Coalition o TDC ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ng yumaong guro na naglingkod sa isang mataas na paaralan sa Muntinlupa City.

--Ads--

Nanawagan ang TDC sa Department of Education na agad suriin ang mga patakaran sa classroom observation, na ayon sa kanila ay dapat maging gabay at suporta sa mga guro at hindi magdulot ng dagdag na pasanin.

Hiniling din ng grupo na bigyang-priyoridad ang kalusugan at kapakanan ng mga guro sa gitna ng mabigat na trabaho sa pampublikong sektor ng edukasyon.

Samantala, sinabi ng DepEd Muntinlupa na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa pamilya ng guro at nagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang mga detalye ng insidente at makapagbigay ng nararapat na tulong.