CAUAYAN CITY- Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang ginang upang ireklamo ang ginagawa ng isang guro ng Luis Fe Gomez Diamantina National High School sa Cabatuan,Isabela na pagtastas sa pang-ibabang uniporme ng isang Grade-7 student ng nasabing Eskwelahan dahil umano sa hindi akmang sukat ng kanyang uniporme.
Ayon kay Ginang Juliana Matusalem, ina ng Grade- 7 student na sa unang pagkakataon na tinastas ang pang-ibabang uniporme ng kanyang anak ay hinayaan lamang niya dahil sa sinabi ng kanyang anak na may umiiral na panuntunan ng kanilang Supreme Student Government Organization sa paaralan.
Dahil dito ay ini-adjust na lamang niya ang tahi ng uniporme ng anak upang hindi magmukhang baston o makipot subalit nasundan pa ang nasabing pagtastas at ang panghuli ay naganap noong February 21, 2019 dahilan upang magpasya siyang ireklamo na ang ginagawa ng naturang guro sa kanyang anak at maging sa iba pa umanong estudyante ng eskwelahan.
Sinabi niya na maluwag naman na ang unipormeng pantalon ng anak ngunit iginigiit umano ng guro na ito ay baston.
Nagtataka din anya ang ginang dahil ang mga kasapi ng Supreme Student Government Organization ang nagtatastas ng uniporme ng mga mag-aaral at hindi mga guro.
Subalit ang pangpitung pagtatastas uniporme ng anak ay pinangunahan na umano ito ng nasabing guro.
Samantala, mariin namang itinanggi ng guro na si Ginoong Joshua Tejada na pitung beses niyang tinastasan ng uniporme ang anak ng nagrereklamong si Ginang Matusalem.
Nagkataon lamang anya na noong pangpitu nang tinastasan ang mag-aaral ay tumulong lamang siya sa mga kasapi ng Supreme Student Government Organization dahil puro babae ang nagtatastas.
Inamin naman ni Ginoong Tejada na batay sa panuntunan na umiiral ay ang mga kasapi ng Supreme Student Government Organization ang magtastas ng tahi ng mga unipormeng nagmumukhang baston at hindi akma sa umiiral nilang uniporme.