CAUAYAN CITY – Patay ang isang security guard matapos bumangga sa nakaparadang trailer truck sa pambansang lansangan ng Brgy. Napakku Pequenio, Reina Mercedes, Isabela
Kinilala ang nasawing biktima na si Marchie Miguel, 27 anyos at residente ng Mallalatang Tunggui, Reina Mercedes, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Bruno Palattao, hepe ng Reina Mercedes Police Station,kanyang sinabi na pauwi na ang biktima na sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang bumangga sa nakaparadang trailer truck sa lugar.
Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na galing sa inuman ang biktima at posible umanong nakatulog at hindi napansin ang nakaparadang sasakyan.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng malubhang sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan si Miguel na nagsanhi ng kanyang kamatayan.
Ayon pa kay Sr. Insp. Palattao, napagkasunduan ng dalawang panig na tutulong nalang ang may-ari ng trailer truck sa gastos sa pagpapalibing sa biktima.




