Matagumpay na nabawi ng mga tropang Yemeni na suportado ng Saudi Arabia ang Hadramout at al-Mahra mula sa mga puwersang secessionist ng Southern Transitional Council (STC) na may basbas ng United Arab Emirates, sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng mga kapangyarihang Gulf Arab.
Ayon kay Rashad al-Alimi, pinuno ng Presidential Leadership Council (PLC), nakamit ng Homeland Shield forces ang “record success” matapos masakop muli ang lahat ng posisyong militar at seguridad sa mga lalawigan na hangganan ng Saudi Arabia.
Mukalla, kabisera ng Hadramout at mahalagang daungan sa silangan, ay muling napasakamay ng pamahalaan matapos ang serye ng opensiba at pag-atake ng mga eroplano ng Saudi.
Kumpirmado ng mga opisyal na kontrolado na ng gobyerno ang lahat ng distrito sa Hadramout, ang pinakamalaking lalawigan ng Yemen.
Sa al-Mahra na nasakop na rin ng Homeland Shield forces ang siyam na distrito matapos umatras ang STC.
Hindi bababa sa 80 mga armado ng STC ang napatay, 152 sugatan, at 130 bihag mula Biyernes.
Inamin ng STC na tinarget ng air raid ng Saudi ang kanilang kampo sa Barshid, kanluran ng Mukalla.
Gayunman, tinanggap ng STC ang alok ng Saudi Arabia para sa dayalogo, na tinawag nilang “genuine opportunity” para sa mga mamamayan ng timog.
Sa ngayon bahagyang nagbalik ang mga flight sa Aden International Airport, ngunit nananatiling may mga pagkakansela at paglipat ng biyahe, kabilang ang sa Socotra Island.
Ang pagbawi ng Hadramout at al-Mahra — na bumubuo ng halos kalahati ng teritoryo ng Yemen — ay malaking tagumpay para sa pamahalaang Yemeni na suportado ng Saudi Arabia. Gayunpaman, nananatiling hamon ang sitwasyon sa Aden at iba pang bahagi ng timog, kung saan patuloy ang tensyon sa pagitan ng mga alyado ng Saudi at UAE.





