
CAUAYAN CITY – Umabot sa halos isang milyong piso ang halaga ng tinupok ng apoy sa pagkakasunog ng tatlong silid aralan ng Angadanan Central School sa Angadanan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Principal Erwin Guillermo ng Angadanan Central School na dakong 10:40 ng umaga nang makita nila na nasusunog na ang tatlong silid aralan sa likurang bahagi ng naturang paaralan.
Aniya, may magulang na pumunta sa paaralan at dumiretso sa likod kaya nakita niya ang sunog na agad namang sinabi sa kanila.
Lahat silang mga guro sa oras na iyon ay nasa mga classroom sa harap ng paaralan dahil naghahanda sila para sa kanilang mga reports.
Hindi aniya kita ang mga nasunog na classrooms dahil may kalayuan ang likod ng paaralan kaya nang makita nila ay nasa sampong minuto nang nasusunog.
Batay naman sa imbestigasyon ng BFP ay sa wirings nagsimula ang sunog pangunahin na sa mga koneksyon ng ceiling fan dahil batay sa mga gurong nananatili sa mga naturang silid aralan ay wala namang naiwan na nakasaksak na kagamitan.
Aniya, may kalumaan na ang naturang gusali dahil batay sa kanilang inventory ay naipatayo pa ito noong 1978 at gawa lamang sa plywood ang ceiling fan gayundin ang division ng bawat classroom.
Ayon kay Principal Guillermo, mga LCD projectors, laptops, printers, libro at mga modules na gagamitin sana sa darating na school year ang nasunog at umaabot sa P800,000 ang halaga ng nasunog.
Sa ngayon ay kailangan nanaman nilang magsimula sa paghahanda lalo na ang mga guro na nawalan ng laptops at printers.
Naiulat na niya ito sa Schools Division Office at DRRM coordinator ng kanilang Division at pinagsusumite na sila ng incident report para mabigyan ng pondo ang mga nasunog na classroom.
Pansamantala ay mananatili muna ang mga gurong nawalan ng silid aralan sa mga bakanteng rooms ng kanilang paaralan.










