CAUAYAN CITY-Umabot na sa 10,809 ang nagkakasakit ng dengue sa rehiyon dos, simula unang araw ng Enero hanggang kahapon, September 13, 2019 batay sa talaan ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH region 2
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Llexter Guzman, Information Officer ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH region 2 na mas mataas ng 2,720 o 34% ang kaso ng dengue ngayong taon kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Umabot na sa 60 ang nasawi dahil sa dengue ngayong taon kumpara sa 26 noong nakaraang taon.
Ang pinakamataas na may kasong dengue ay ang Isabela na mayroong 4,158 na may 26 na namatay; Cagayan na mayroong 4,082 na may 27 na namatay ; Nueva Vizcaya na may 1,500 na may 5 namatay; Quirino na 1,056 na may dalawang namatay at ang Batanes na may tatlumpong kinapitan ng sakit na dengue at walang naitalang nasawi.
Tiniyak naman ni Ginoong Guzman na mayroong sapat na pagamutan sa rehiyon dos upang magamot ang mga nagkakasakit ng dengue bagamat punuhan..
Sa kabila nito ay wala silang tinatanggihang mga pasyente na maysakit ng dengue.
Sinabi pa ni Ginoong Guzman na karamihang nagkasakit ng dengue ay may edad anim hanggang sampo.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ang monitoring ng DOH region 2 sa mga lugar na mayroong mataas na kaso ng dengue.