CAUAYAN CITY – Umabot sa 4,898 na pamilya o 17,876 na tao ang naapektuhan ng mga pagbaha sa Cagayan dulot ng malalakas na pag-ulan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Michael Conag, information officer ng Office of Civil Defense (OCD) region 2 na hindi isinailalim sa signal ng bagyo ang Cagayan ngunit matinding naapektuhan ng pagbaha dulot ng mga pag-ulan
Sa 153 na pamilya na lumikas sa mga evacuation center ay aabot pa sa 146 na pamilya ang nananatili sa 20 na evacuation center.
Ayon kay Ginong Conag, nakataas pa rin ang yellow at orange rainfall warning sa ilang bayan sa Cagayan.
Wala pang datos sa pinsala sa mga pananim at imprastraktura sa nasabing lalawigan.
May daan sa bayan ng Allacapan na nalubog sa tubig at mga malalaking sasakyan lamang ang puwedeng dumaan habang sa Dissimungal, Nagtipunan, Quirino ay hindi pa madaanan ang national road na nagkaroon ng pagguho noong tumama ang bagyong Karding.