--Ads--

Nasamsam mula sa dalawang indibidwal ang sampung sako ng Marijuana Bricks na nagkakahalaga ng halos 29 milyong piso sa Barangay Nuesa Roxas, Isabela.

Ang mga pinaghihinalaan ay sina alias “JD”, 30-anyos, lalaki, college student/call center agent habang ang isa naman ay si alias “Rick”, kitchen staff at kapwa residente ng Baranka Ilaya, Mandaluyong City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Roxas Police Station, pinahihinto umano sa Comelec Checkpoint ng Barangay Nuesa ang isang SUV ngunit sa halip na tumalima ay binunggo pa nito ang barikada sa naturang checkpoint.

Dahil dito ay hinabol ito ng mga kapulisan at na-korner sa bahagi ng Centro II, Mallig, Isabela.

--Ads--

Nasamsam mula sa kanila ang 222 bricks ng pinatuyong marijuana leaves na may kabuuang timbang na 222 kilos at nagkakahalaga ng 26, 640,000 pesos.

Nakuha rin mula sa kanila ang 19 rolled marijuana leaves na nagkakahalaga ng 2,280,000 pesos.

Maliban sa mga marijuana ay may dala rin umanong isang granada ang mga suspek.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Roxas Police Station ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.