--Ads--

Tinatayang nasa 89–90% ng pananim na palay sa Region 2 ang nanganganib masira oras na manalasa ang Bagyong Nando.

Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), umaabot sa 259,000 ektarya ng palayan ang natamnan ngayong wet season. Sa bilang na ito, tinatayang 46% o 130,443 ektarya ang nasa reproductive stage, habang 43% o 605,286 ektarya ang nasa maturity stage. Samantala, nasa 12% pa lamang ang naaani.

Para naman sa mais, umaabot sa 232,348 ektarya ang natamnan at nasa 2% pa lamang ang naaani. Nangangahulugan ito na 93% ng buong taniman ang vulnerable at nanganganib masira sakaling magkaroon ng pagbaha o pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DA Regional Executive Director Rose Mary Aquino, sinabi niya na matapos ang pananalasa ng Bagyong Mirasol ay nananatili silang nakahanda para sa Bagyong Nando. Aniya, nakabukas na ang Operational Command Center ng DA Region 2 upang tumanggap ng mga ulat kaugnay sa posibleng epekto ng bagyo.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga magsasaka at mangingisda tungkol sa mga dapat gawin bilang paghahanda.

Tiniyak din ni Aquino na may sapat na buffer stock ng binhi ng palay, mais, at high-value crops, at may nakalaan ding procurement sa ilalim ng kanilang Quick Response Fund (QRF).

May mga personnel din mula sa ahensya na nakatutok sa field upang magbigay ng mga ulat lalo na sa mga pananim na malapit nang anihin, upang agad itong maiproseso at maisalba bago dumating ang bagyo.

Nilinaw rin niya na may umiiral na exemption sa mga intervention kapag may kalamidad—kung saan kahit hindi rehistrado sa RSBSA ngunit validated ng LGU na may standing crops, ay maaaring makatanggap ng libreng binhi upang muling makapagtanim.

Samantala, ang financial assistance naman para sa mga magsasakang rehistrado sa RSBSA ay nakadepende sa datos at validation ng Philippine Crop Insurance System (PCIC).

Nanawagan din si Aquino sa mga asosasyon na tulungan ang kanilang mga miyembro at non-members na mangailangan ng makinarya upang maani agad ang kanilang mga pananim bago pa man dumating ang bagyo.