CAUAYAN CITY– Tumagal ng tatlong araw ang operasyon ng mga otoridad para sirain at sunugin ang mga pananim na marijuana sa mga Barangay ng Butbut Proper, Loccong at Bugnay, Tinglayan, Kalinga
Magkatuwang ang mga kasapi Regional Drug Enforcement Unit ng Cordillera Administrative Region at Kalinga Police Provincial Office sa Barangay Bugnay, Tinglayan na nagsagawa ng naturang operasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Col. Peter Tagtag , Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office na natagpuan nila ang fully grown marijuana plants sa barangay Bugnay, Tinglayan.
Ang naturang pananim ay ang mga ginagawang Marijuana Hash at Hashish oil.
Ayon kay Col. Tagtag, mahirap maituro ang nagtatanim ng marijuana dahil maituturing na public land ang tinamnan ng naturang marijuana .
Nakikita rin kaagad ng mga suspect ang mga otoridad na umaakyat sa kabundukan kaya agad silang nakakaalis bago dumating ang mga pulis at PDEA agent.
Upang hindi na mapakinabangan ang mga marijuana plants ay binunot at sinunog ang mga ito at para hindi na makapagtanim muli sa nabanggit na lugar ay babantayan na ng mga otoridad
Nagkakahalaga ng P90-M ang sinunog na mga pananim na marijuana sa kabundukan ng Tinglayan .
Nanawagan si Col. Tagtag sa mga mamamayan na makipagtulungan sa mga otoridad upang masugpo ang pagtatanim ng marijuana upang hindi masira ang kinabukasan ng mga kabataan.











