Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police ang halos Php197 milyong halaga ng pekeng sapatos at kaugnay na kagamitan sa isang operasyon sa mga bodega sa Barangay Inaon, Pulilan, Bulacan, na nagresulta sa pagkakadakip sa ilang dayuhang sangkot sa ilegal na gawain.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-10:30 ng umaga ng mga tauhan ng CIDG Regional Field Unit 3, CIDG Bulacan Provincial Field Unit, at Pulilan Municipal Police Station sa ilalim ng Bulacan Police Provincial Office, batay sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act 8293 o “Intellectual Property Code of the Philippines”.
Kabilang sa mga nasamsam ang 1,119 kahon ng pekeng sapatos na nagkakahalaga ng Php141.02 milyon, 30 sako ng footwear accessories na tinatayang Php39 milyon, isang injector machine na Php2.5 milyon, at tatlong molding machines na nagkakahalaga ng Php14.25 milyon, na may kabuuang halagang Php196.77 milyon.
Ang mga suspek, pawang mga Chinese nationals, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG RFU 3 habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay itinurn-over sa mga kaukulang ahensya.
Determinado ang PNP na magpapatuloy sa sinumpaang tungkulin na protektahan ang publiko laban sa anumang masamang gawain, alinsunod sa adbokasiya ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas na nakatuon sa serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.





