CAUAYAN CITY – Mas pinaigting pa ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang pagbabantay sa mga entry at exit points sa ikalawang rehiyon para matiyak na hindi makapasok ang African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na tuluy-tuloy at mas pinag-ibayo pa nila ang pagbabantay sa mga checkpoints na papasok sa ikalawang rehiyon para matiyak na walang makapasok na anumang klase ng karne na may ASF.
Aniya, hindi lamang ang DA ang nagsasagawa nito kundi kasama rin nila ang Bureau of Animal Industry (BAI), National Meat Inspection Service (NMIS) at mga Local Government Units (LGU’s) sa ibat’ibang lalawigan ng region 2.
Idinagdag pa ni Director Edillo na patuloy ang pagkuha nila ng blood samples sa mga alagang baboy ng mga backyard hog raisers sa rehiyon para matiyak na ligtas ang mga ito sa ASF.
Pinayuhan din niya ang publiko na sumunod sa mga guidelines na sinasabi sa kanila para sakaling may mga makapasok na karne sa rehiyon na galing sa ibang lugar ay matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga alagang baboy.
Ayon pa kay Director Edillo, hanggat hindi naidedeklarang ASF free ang mga kalapit na rehiyon ng Lambak ng Cagayan na apektado ng ASF ay hindi nila tatanggalin ang pagbabawal sa mga processed meat na ipinapasok sa region 2.
Nilinaw niya na puwedeng pumasok sa rehiyon ang processed meat na gaya ng hamon basta kumpleto ang mga papeles nito.






