CAUAYAN CITY- Inireklamo ng ilang residente ang hanggang tuhod na pagbaha tuwing mararanasan ang malakas na ulan sa Barangay Zone 2, San Mariano, Isabela na nakaka-apekto na sa 15 pamilya sa lugar.
Sama-samang naghain ang mga residente sa Barangay ng petisyon sa pangunguna ni Ginoong Dennis Enriquez para masolusyunan ang kanilang problema dahil sa pinapangamabhang pagbaha pagpasok ng tag-ulan sa mga susunod na buwan.
Ayon sa mga apektadong residente madalas na pasukin ng tubig baha ang kanilang mga bahay.
Dahil sa pagbaha ay hindi maiwasang magkasakit ang mga bata, masira ang mga appliances at maapektuhan ang kalidad ng tubig sa kanilang mga poso.
Giit nila na may nagawa namang drainage canal sa lugar subalit dahil mababa ang lupa ay doon parin naiipon ang tubig ulan.
Dagdag pa niya na noon pang Mayo naihain ang petisyon subalit hanggang ngayon ay hindi parin natutugunan.
Samantala, inihayag ni Kapitan Samuel Aggabao na dahil sa nagkaroon na ng daan sa lugar kung saan-saan aniya nagpupunta ang tubig at dahil sa naroon sa mababang bahagi ng lupa ay doon napupunta ang tubig.
Giit niya hindi umano napagplanuhan ng mga residente ang posibilidad na bababa ang lupa at posibleng magkaroon ng pagbaha dapat aniya ay nagtambak ng lupa ang mga residente doon para kahit papaano ay pumantay ang lupa sa kalsada.
Handa ang Barangay na idulog ang problema sa Engineering depertment ng Munisipyo para maaksyonan lalo at main canal ang nasa kalsada.
Dagdag pa niya may iba pang drainage sa lugar subalit dahil sa malaking volume ng tubig ay hindi ito kaya ng kanal.











