Mariing pinabulaanan ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang kumalat na ulat na siya umano ay inaresto sa Netherlands. Sa isang online post, sinabi ni Roque na “walang katotohanan” ang mga balita at mayroon siyang naka-iskedyul na biyahe patungong Vienna, Austria.
Lumabas ang kanyang pahayag matapos umugong ang ilang ulat na nahuli umano siya sa Amsterdam dahil sa mga kasong kinahaharap niya sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gitna ng deliberasyon ng kanilang budget sa Senado na patuloy pa nilang bineberipika ang mga ulat kaugnay ng umano’y pag-aresto kay Roque sa Europe. Nilinaw ng kagawaran na wala pa silang natatanggap na opisyal na dokumento o kumpirmasyon mula sa mga awtoridad sa Netherlands.
Una rito, naaresto umano sa isang tirahan sa The Netherlands ang dating presidential spokesperson na si Harry Roque at kasalukuyang nasa kustodiya sa Schiphol Airport sa Amsterdam.
Si Roque ay kinasuhan ng human trafficking kaugnay ng operasyon ng Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hub sa Porac, Pampanga. Inaasahang maaari siyang dalhin sa Vienna, Austria, kung saan pinoproseso ang ibang asylum seekers, o kaya ay ibalik sa Pilipinas upang harapin ang mga kaso laban sa kanya.
Una na ring kinumpirma na kanselado na ang Philippine passport ni Roque matapos itong ipawalang-bisa ng Pasig City Regional Trial Court.
Naghain din ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng kahilingan para sa isang Interpol red notice laban kay Roque dahil sa umano’y koneksiyon niya sa mga ilegal na aktibidad na iniuugnay sa POGO.
Ayon sa mga imbestigador, bahagi ng kaso ang naging papel ni Roque bilang pinuno ng legal department sa aplikasyon para sa gaming license ng Whirlwind Corp., kumpanyang nagpaupa ng lupa sa Lucky South 99.
Mariin namang itinanggi ni Roque ang mga akusasyon. Aniya, wala siyang kinalaman sa human trafficking o anumang pang-aabuso na naiulat sa Pogo hub.











