CAUAYAN CITY – Iaapela sa korte suprema ni Dating Governor Grace Padaca ang naging hatol guilty sa kanya ng Sandiganbayan sa kasong graft at malversation of public funds.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dating Governor Grace Padaca ng Isabela na nabigyan sila ng 15 araw upang iapela ang desisyon ng Sandiganbayan.
Sinabi niya na hindi nila inasahan ang hatol dahil sa una pa lamang ng pagdinig ay naibigay niya ang panig na malinaw na wala siyang ninakaw na 25 million pesos at lahat ng pera ay nailaan at napunta bilang pautang para sa mga magsasaka ng Isabela.
Layunin anya ng pagpapautang sa mababang interest sa mga magsasaka para maiwasan ang pag-utang ng mataas na interest sa mga traders..
Mapara matiyak anyang mabayaran ng mga magsasaka at mapaikot ang nasabing pondo ay binigyan siya ng kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela na pumasok sa kasunduan sa isang isang Non Government Organization na Economic Development for Western Isabela and Northern Luzon Foundation, Incorporated (EDWINLFI).
Nanindigan siya na lahat ng ebedensiya at testigo laban sa kanya ay mahina.
Maliban kay Padaca, sinampahan din ng kaso sa Ombudsman ni yumaong dating Vice Gov. Santiago Respicio sina dating Vice Mayor Servando Soriano ng Roxas, Isabela, dating Provincial Legal Officer Johnas Lamorena na sumakabilang buhay na at si Dionisio Pine.











