CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang head teacher na High Value Target (HVT) at isa sa priority target ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa isinagawang drug buy-bust operation sa Cabatuan-Cauayan road na nasasakupan ng Luzon, Cabatuan.
Ang dinakip ay si Jesus Ramirez, 49 anyos, head teacher ng Ortiz Saranay Elementary School sa Cabatuan, Isabela.
Nadakip ang suspek sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pangunguna ni PMaj. Rolando Gatan, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) sa pangunguna ni PLt. Allan Mangaoil, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2 sa pangunguna ni IA5 Jojo Gayuma at si PMaj. Richard Babaran, hepe ng Cabatuan Police Station.
Nakuha sa kanya ang 1 heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng P5,000.
Nakuha rin sa pag-iingat ni Ramirez ang 4 na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Ang suspek at mga nakuha sa kanya ay dinala na sa Cabatuan Police Station para sa kaukulang disposition.
Samantala, sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ramirez, sinabi niya na nakahanda siyang magpa-drug test para mapatunayan na siya ay inosente.
Pinabulaanan din niya na galing sa kanya ang mga nakumpiskang illegal na droga at sa katunayan ay ngayon lamang siya nakakita ng totoong droga.
Nalaman din umano niya ang tungkol dito noon kaya nagtungo siya kasama ang kanyang district supervisor sa himpilan ng pulisya para magtanong subalit hindi siya hinarap.