Ipinatupad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan ang mas mahigpit na health screening sa lahat ng bibisitang kamag-anak ng mga persons deprived of liberty (PDL) bilang bahagi ng hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng mga PDL at jail personnel.
Ayon kay Jail Chief Inspector Susan Encarnacion, Acting District Jail Warden ng BJMP Cauayan, dumadaan muna sa search at health assessment ang mga bisita bago payagang makapasok sa pasilidad. Hindi pinahihintulutang makapasok ang sinumang makikitaan ng karamdaman upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit sa loob ng kulungan.
Nilinaw rin ng BJMP Cauayan ang iskedyul ng visiting hours. Walang dalaw tuwing Lunes at Biyernes dahil itinalaga ang mga araw na ito para sa general cleaning at pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng pasilidad. Pinapayagan ang dalaw tuwing Martes, Miyerkules at Huwebes mula alas-1 hanggang alas-4 ng hapon.
Samantala, bukas naman ang visiting hours tuwing Sabado at Linggo mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Dagdag pa ni Encarnacion, mahalagang balansehin ang karapatan ng mga PDL na madalaw ng kanilang pamilya at ang responsibilidad ng pamunuan na tiyakin ang kaligtasan, kalusugan at kaayusan sa loob ng kulungan.









