CAUAYAN CITY – Nakakaranas na ng diskriminasyon ang mga health workers ng Region 2 Trauma and Medical Center sa lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos makapagtala ang pagamutan ng mga positibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Danilo Antonio Alejandro, Medical Center Chief ng Region 2 Trauma and Medical Center, sinabi niya na nakakaranas na ng diskriminasyon ang kanilang mga health workers dahil pinandidirihan na sila ng mga tao sa tuwing lalabas sila sa nasabing pagamutan.
Iniisip aniya ng mga tao na may dala silang sakit kaya iniiwasan sila ng mga ito.
Giit ni Dr. Alejandro na kahit may naitalang positibo sa COVID-19 ang nasabing pagamutan ay sumusunod naman sila sa lahat ng mga protocol.
Bago aniya lalabas ang kanilang mga health workers ay naliligo o di kaya ay naghuhugas muna ang mga ito ng kanilang kamay gayundin na nagpapalit sila ng kanilang damit.
Gayunman, ayon kay Dr. Alejandro, sa kabila ng nararanasang ito ng kanilang mga health workers ay nakahanda pa rin silang tumulong dahil ito ang kanilang sinumpahan na tungkulin.
Naiintindihan aniya nila ang mga mamamayan dahil natatakot lamang din sila na mahawa sa nakamamatay na sakit.











