CAUAYAN CITY – Nakabalik na sa kanilang duty ang mga health workers ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) noong unang linggo ng Marso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na sa ngayon ay nagduduty na ulit ang tatlong nurse at isang doktor nilang nagpositibo noon dahil tapos na rin ang kanilang quarantine.
Sa katunayan aniya ay nakadalawang round na ang doktor dahil kasama ito sa kanilang team A gayundin ang dalawa sa tatlong nurse.
Habang ang isa namang nurse ay kasalukuyang nakaduty dahil kasama siya sa kanilang Team B na siyang nakaduty ngayong linggo sa kanilang COVID ward.
Samantala, pinaalalahanan ni Dr. Baggao ang mga gumaling na sa COVID-19 na huwag makampante na hindi na sila madadapuan pang muli.
Aniya, kailangan nilang tapusin ang kanilang quarantine para siguradong hindi na babalik pa ang virus.
Posible kasi aniya itong bumalik lalo na kung hindi nasunod ng isang pasyente ang mga alituntunin sa pagpuksa ng nasabing sakit.











