CAUAYAN CITY – Nadakip ang isang indibidwal matapos masamsaman ng nasa P170,000 na halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang drug buy-bust operation sa District 1, Cauayan City, Isabela.
Ang suspek ay kinilalang si Samuel Gardose, tatlumpung taong gulang, operator ng heavy equipment, residente ng Tandang Sora. Quezon City.
Nasamsam sa suspek ang apat na medium size na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu at may timbang na 20 grams na may Standard Drug Price na Php136,000.00.
Nakuha rin sa kaniyang pag-iingat ang tatlong maliliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na limang gramo at nagkakahalaga ng P34,000; P1,000 na buy-bust money, isang bag, isang cellphone, vape at identification card.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek maging ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gardose, aminado siyang nagtungo siya sa Lungsod ng Cauayan para I-deliver ang ilegal na droga na utos umao ng kaniyang boss kapalit ng P25,000.
Sa pagsasalaysay ng suspek, bandang alas otso ng umaga kahapon nang makarating siya sa lungsod ng Cauayan mula Maynila ay sinalubong umano siya ng kaniyang kaibigan at pinakain, ngunit pagkalipas ng ilang minuto ay bigla na lamang umano siyang dinakip ng mga pulis at inabot pa hanggang gabi bago isinailalim sa imbentaryo ang kaniyang mga gamit.
Giit ng suspek, hindi umano makatao ang ginawang pag-aresto sa kaniya ng mga myembro ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG SOU2) dahil piniringan pa siya matapos dakpin at nang humingi siya ng tubig ay nakalalasing na inumin umano ang ipinainom sa kaniya dahilan upang hindi na siya gaanong makapag-salita.