--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na nararanasan ang masikip na daloy ng trapiko sa bahagi ng Diadi Nueva Vizcaya dahil sa mga ginagawang daan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Manuel Medina Jr. Deputy Chief of Police ng Diadi Police Station, sinabi niya na masikip pa rin ang daloy ng trapiko sa kanilang bayan dahil sa mga road construction.

Aniya nagsabay-sabay na naman ang malaking volume ng mga dumadaang motorista kaya nararanasan ang heavy traffic.

Isa rin sa nakikitang rason ng pagsikip ng daloy ng trapiko ang mga motoristang nagka-counterflow dahil sa naiinip na ang mga ito sa bagal ng usad ng mga sasakyan.

--Ads--

Kahapon ng madaling araw ay natanggal na ang tumagilid na trailer truck na humarang sa daan ngunit masikip pa rin ang daloy ng trapiko dahil kailangang salitan ang pagdaan sa mga bahagi ng kalsada na ginagawa o kasalukuyan ang konstruksyon.

Umabot pa aniya sa Cordon Isabela ang haba ng pila ng mga sasakyang nais magtungo sa kalakhang Maynila.

Upang maibsan ang masikip na daloy ng mga sasakyan ay may isang oras na interval ang mga sasakyang mula sa south at northbound na makatawid sa ginagawang kalsada.

Humingi naman ng pasensya si PCapt. Medina sa mga motorista dahil sa masikip na daloy ng trapiko sa kanilang bayan at pinaalalahanan din niya ang mga ito na sumunod sa batas trapiko at huwag pairalin ang init ng ulo dahil maaring magdulot ito ng aksidente at lalong paglala ng trapiko sa lugar.