--Ads--

CAUAYAN CITY – Magaling na mula sa Coronavirus Disease (COVID-19) si Gng. Cecil Guidote-Alvarez, founder ng Philippine Educational Theatre Association (PETA) at asawa ni dating Senador at dating DENR Secretary Heherson Alvarez na namatay dahil sa nasabing sakit.

Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Alvarez na nakalabas na siya ospital at natapos na ang kanyang14-day quarantine.

Nakakalakad na siyang mag-isa ngunit sumailalim siya sa theraphy.

Sinabi ni Gng. Alvarez na sobrang masakit ang pagkamatay ng kanyang asawa na hindi na niya nakita mula nang ma-confine sila sa Manila Doctors Hospital.

--Ads--

Plano pa sana nilang muling ikasal sa simbahan sa kanilang 50th wedding anniversary sa November 2020.

Ayon kay Gng. Alvarez, bagamat pari ang nagkasal sa kanila ay hindi sila nagmartsa sa simbahan dahil naging pasikreto noon ang kanilang kasal.

Samantala, labis na nagpapasalamat si Gng. Alvarez sa mga nagbigay ng suporta at nakidalamahati sa kanila sa pagpapaw ng kanyang mister.

Nakakataba aniya ng puso ang ipinarating na pakikiramay ng mga kasapi ng Kamara at Senado, maging ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela at pamahalaang lunsod ng Santiago.

Para mapanatili ang legacy ni dating Senador Alvarez lalo na sa kanyang adbokasya sa pangangalaga sa kalikasan ay plano ni Gng. Alvarez at kanilang mga anak na itatag ang Heherson Alvarez Climate Action Award para mabigyan ng inspirasyon ang mga tao sa pangangalaga sa kapaligiran.

Ipinagmalaki rin ni Gng. Alvarez na hindi naging corrupt kundi naging tapat sa serbisyo sa pamahalaan ang kanyang asawa.

Labis din ang pasasalamat si Gng. Alvarez sa mga doktor at nurses na umasikaso sa kanila.

Itinuring aniyang himala ang paggaling niya mula sa COVID-19 dahil siya ay may diabetes at cancer survivor.

Sinabi ni Gng. Alvarez na dalawang araw siyang walang malay at inakala na siya ay na-stroke dahil hindi niya maigalaw ang kanyang mga kamay at paa.

Kinumpirma ni Gng. Alvarez na sumailalim din siya sa plasma theraphy.

Dahil nabigyan siya ng pagkakataon na mabuhay ay nais niyang ipagpatuloy ang marami pang plano ng kanyang pumanaw na mister.

Ang tinig ni Gng. Cecil Guidote-Alvarez