CAUAYAN CITY– Bumagsak sa kulungan ang isang helper matapos maaktuhang nagbebenta ng hinihinalang dahon ng marijuana sa Putok 4 Brgy. Nagcuartelan, Aritao, Nueva Vizcaya, .
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan, ang nadakip ay si Jimmy Estacio, dalawamput tatlong taong gulang , binata, isang helper at residente ng nabanggit na lugar
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Florentino Mawirat,hepe ng Aritao Police Station ibinahagi nito na sa isinagawang drug buybust operation katuwang ang Municipal Drug Enforcement Unit at PDEA Region 2 ay naaresto si Estacio.
Nakipag-transaksyon ang suspek sa isang pulis bitbit ang isang dilaw na plastic na hinihinalang naglalaman ng dahon ng marijuana kapalit ng tatlong daang pisong marked money .
Si Estacio ay nasa PNP/ PDEA DI Watchlist .
Ayon pa kay PCapt. Mawirat, nauna nang nasangkot si Estacio sa pagtatanim ng marijuana sa Barangay Nagcuartelan, Aritao.
Nagpaalala ang hepe ng pulisya Publiko na makiisa at maging mapagmatiyag sa kanilang paligid upang tuluyan nang masawata ang mga kahalintulad anyang iligal na gawaing ito.
Dinala ang suspek sa Aritao Police Station at inihahanda na ang kaso laban sa kanya.











