--Ads--

Naaresto ang isang 20-anyos na helper sa isinagawang drug buy-bust operation ng Cabatuan Police Station sa Del Pilar, Cabatuan, Isabela.

Ang suspek ay itinago sa alyas na “Jay,” at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa pulisya, matagal na umano nilang minamanmanan ang suspek matapos makatanggap ng impormasyon na ito ay sangkot umano sa ilegal na droga bilang user at pusher.

Nasamsam mula sa suspek ang isang heatsealed transparrent plastic sachet na naglalaman ng crystalline substance na hinihinalang shabu, isang 500 at 1,000 peso bill na ginamit bilang buy-bust money, at iba pang personal na gamit ng suspek.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek, inamin nito na dati siyang gumagamit ng ilegal na droga subalit iginiit niya na hindi umano sa kaniya ang nakuhang hinihinalang shabu at siya ay napag-utusan lamang.

Aniya, matagal na umano nang siya ay huling gumamit subalit inamin niyang noong nakaraang linggo lamang ay nagbenta siya ilegal na droga at kapalit nito ay binibigyan siya ng pera.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Cabatuan Police Station ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kaniya kaugnay sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.