CAUAYAN CITY– Hamon para sa mga kasapi All Women City Mobile Force Company ang pagmamando sa mga quarantine control checkpoints sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Jane Abigail Bautista, Hepe ng All Women City Mobile Force Company, sinabi niya na bilang selebrasyon ng buwan ng mga kababaihan binigyang pugay ang kontribusyon ng mga babae sa kasalukuyang estado ng Santiago City.
Ayon sa PMajor Bautista malaki ang naging kontribusyon ng mga kababaihan sa paglaban sa sakit na COVID-19.
Patunay lamang ito na mayroong pantay na pagkilala ang lipunan sa kahit anong kasarian mayroon ang isang indibidwal.
Idinagdag pa ng hepe ng pulisya na naging daan ang pagkakatatag ng kanilang himpilan bilang All Women City Mobile Force Company para magkaroon ng tiwala sa sarili ang bawat kababaihan at maipamalas ng pantay ang kakayahan ng bawat isa.
Matatandaan na naatasang manguna sa pagbantay sa mga control points ang nasabing himpilan ng pulisya na kinabibilangan ng mga kababaihang pulis na may layuning mapanatili ang kapayapaan sa pagsasagawa ng checkpoint.
Nasubok din ang katatagan ng tanggapan sa mga nagdaang linggo matapos masangkot sa aksidente ang ilan nilang kawani na ikinasawi ng isa nilang kasamahan.











