CAUAYAN CITY – Nagsalita ang Hepe ng Anggadanan Police Station hinggil sa kontrobersiyang kinasasangkutan nito.
Matatandaan na kumalat sa Social Media ang video nito na nanutok umano ng baril sa isang magsasaka sa Viga, Angadanan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Russel Tuliao, Chief of Police ng Angadanan Police Station, sinabi niya nirespondehan lamang umano nila ang gulo sa naturang barangay na kinasasangkutan ng mga magsasaka na may kaugnayan sa lupa na pagmamay-ari ni Gamboa.
Ipinagdidiinan kasi umano ng mga magsasaka na tenant sa pinag-aagawang lupa na pagmamay-ari nila ito ngunit pinaburan ng korte ang panig ni Gamboa na bilang may-ari ng nasabing lupa.
Dahil sa sinugod umano ng mga magsasaka ang lugar ng mga Gamboa ay personal silang nagtungo sa lugar at personal niyang nakita ang isang tenant na si Flores Agbayani na tinatanggal nito ang bakod sa pinag-aagawang lupa.
Maituturing umano ito bilang Malicious Mischief at dahil naaktohan umano si Agbayani ay pasok na ito sa warrantless arrest.
Kinausap umano nila ito na sumama sa kapulisan dahil sa ginawa nito ngunit imbes na tumalima ay naghamon umano ito ng away at nagmura.
Aminado naman siya na bumunot siya ng baril dahil na rin sa impormasyon na mayroong baril si Agbayani ngunit pinabulaalanan niya ang alegasyong itinutok niya ito sa mga magsasaka dahil makikita naman umano sa video na hindi niya ito itinutok sa kahit na kanino.
Aniya, hindi kumpleto ang pinost na video sa social media dahil nakuhanan naman umano ng video ang pakikiusap nito ng maayos sa mga sangkot.
Bagama’t naka civilian sila nang rumesponde ay iginiit ni PMaj. Tuliao na legitimate ang kanilang operasyon dahil naitaon lamang umano na dumalo sa siya sa isang intelligence meeting kaya hindi ito naka uniporme.
Nanawagan naman siya sa publiko na alamin muna ang katotohanan bago manghusga ngunit sa kabila nito ay tiniyak niya na nananatiling ligtas ang bayan ng Angadanan.