--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasabat ang mga high powered firearms at granada makaraang silbihan ng search warrant ang tatlong lalaki sa mga barangay ng Callangigan at Estrada, Quezon, Isabela.

Ang operasyon ay isinagawa ng magkasanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group-Regional Support Unit (CIDG-RSU)-2, Isabela RSU, Quezon Police Station at Kalinga Police Provincial Office sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Bernabe Mendoza ng Regional Trial Court Branch 23.

Kinilala ang mga inarestong sina Joel Abenoja, 40; Artemio Antonio at Bacuyag Cawad.

Nasamsam ang isang granada makaraang madakip si Abenoja dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10591.

--Ads--

Nakuha rin kina Cawad at Antonio ang isang M16 armalite rifle; walong magazines na may lamang mga bala; isang M14 armalite rifle na may walong magazines na may lamang mga bala at dalawang improvised shotgun.

Nasa pangangalaga na ng mga otoridad ang nasamsam na mga high powered firearms, bala at granada habang inihahanda na ang kaso laban sa tatlong suspek.