Arestado ang isang High Value Individual (HVI) na nasa PNP/PDEA Target List matapos mahuli sa akto ng panggugulo at makumpiskahan ng hinihinalang shabu sa Barangay Quezon, Naguilian, Isabela, bandang alas-7 ng gabi nitong Enero 18, 2026.
Itinago ang suspek sa alyas “Ed”, 30 taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng nasabing barangay. Siya ay inaresto dahil sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority, at Section 11, Article II ng Republic Act 9165.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng intelligence monitoring at information gathering ang pinagsamang puwersa ng PIU/PDEU-IPPO, RIU2 CIT Santiago, at mga intelligence operatives ng Naguilian Police Station nang mamataan nila ang suspek na may hawak na bote ng alak at nananakot sa mga dumaraan sa lugar. Tinangka siyang payapain ng mga operatiba, ngunit naging agresibo ang suspek at patuloy na hindi sumunod sa awtoridad, dahilan upang siya ay arestuhin.
Sa isinagawang body search, narekober mula sa suspek ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang bote ng alak, at isang pirasong pisong barya. Matapos ang operasyon, isinagawa agad ang marking at inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek, kinatawan ng National Prosecution Service (NPS), at barangay kagawad ng Brgy. Quezon.
Ang suspek at mga ebidensya ay dinala sa Naguilian Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.











