CAUAYAN CITY- Nasabat ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang 273 containers ng “Unregistered” cooking oil na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱1.3 milyon sa isang matagumpay na operasyon sa Brgy. Patul, Santiago City, Isabela.
Kasunod nito nagbabala ang PNP-CIDG sa publiko hinggil sa pagkalat ng mga hindi rehistradong mantika o cooking oil sa merkado na maaaring makapinsala sa kalusugan.
Ayon kay CIDG Acting Director, Police Brigadier General Romeo Macapaz, nakilala ang mga suspek sa mga alyas na “Kulvinder” at ang anak nitong si “Kamaljot.”
Nabatid na walang kaukulang lisensya mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang mag-ina para magbenta ng nasabing produkto—isang tahasang paglabag sa FDA Act of 2009.
Binigyang-diin ni PBGEN Macapaz na ang mga hindi rehistradong mantika ay hindi dumaan sa tamang pagsusuri, kaya’t may panganib itong idulot sa kalusugan ng publiko.





