Umabot na sa 37, 604 pamilya o katumbas ng 122, 709 katao ang naapektuhan ng bagyong Nando mula sa 575 barangay sa Lambak ng Cagayan.
Walo sa mga ito ay napaulat na nasawi – isa ang mula sa Calayan Islands at pito ay mula sa tumaob na bangkang pangisda sa San Vicente Port, Santa Ana, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Information Officer Mia Carbonel ng Office of the Civil Defense Region 2, sinabi niya na mula sa nabanggit na datos ay 19, 496 pamilya o 61, 545 katao ang tumuloy sa mga evacuation centers ngunit sa kasalukuyan ay isang pamilya na lamang sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang nanatili sa evacuation area.
Umabot naman sa 2, 878 ang nasirang mga bahay kung saan 196 ang totally damage houses, at 2, 737 ang partially damaged.
Pagdating naman sa sektor ng Agrikultura ay pumalo na sa P635, 710,000 na halaga ang naitalang pinsala.
Pangunahing tinututukan naman ngayon ng ahensya ang pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhang lugar katuwang ang ilang mga counterparts sa Regions 1 at 2 kung saan umabot na sa 16, 920,000 pesos ang halaga ng tulong na-provide at karamihan sa mga ito ay prepositioned na sa mga pantalan.










