Higit dalawang libong katao ang nailikas sa mga baybaying bahagi ng Aurora Province bilang bahagi ng pre-emptive evacuation bunsod ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Amado Egargue ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Aurora, sinabi niyang agad nilang isinagawa ang paglilikas bago pa man tuluyang maramdaman ang malalakas na hangin at ulang dala ng bagyo.
Ayon kay Egargue, ang hakbang ay isinagawa dahil sa matataas na alon na sinabayan pa ng high tide, na nagdulot ng panganib sa mga naninirahan sa mga baybaying lugar.
Batay sa kanilang initial na talaan, umabot sa 776 pamilya o 2,256 katao ang nailikas at kasalukuyang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa lalawigan.
Ipinahayag din ni Egargue ang pasasalamat sa mga residente dahil walang nagmatigas at lahat ay boluntaryong sumunod sa utos ng agarang paglikas, lalo na ang mga nakatira sa coastal areas, low-lying areas, at landslide-prone zones sa pitong munisipyo ng Aurora.
Sa ngayon, tiniyak ng PDRRMO na sapat pa ang suplay ng Family Food Packs at iba pang pagkain na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga evacuee.











