CAUAYAN CITY- Umabot sa tatlumpu’t apat na baka ang naanod sa ilog at namatay sa barangay Salay, Angadanan, Isabela dahil sa malalakas na ulan bunsod ng bagyong Enteng. .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kgwd. Rodolfo Gazzingan ng Brgy. Salay, sinabi niya na nasa labing tatlong magsasaka ang may-ari sa mga naanod na baka.
Aniya, pagsapit ng alas onse kagabi ay biglaan ang pagtaas ng tubig sa ilog kaya naman hindi na nila naisalba pa ang kanilang mga alagang baka na nasa tabing ilog.
Sinubukan pa aniya nila na isalba ang kanilang mga alaga ngunit hindi na nila naisalba pa ang mga ito.
Sa ngayon ay mayroon pang pitong baka ang patuloy na pinaghahanap.
Malalakas kasi aniya ang mga pag-ulan ang naranasan sa kanilang lugar na sinamahan pa umano ng mga pagkulog at pagkidlat.
Nanawagan naman si Kagawad Gazzingan na ipagbigay alam sa kanila kung sakaling makita ang mga naanod at nawawalang mga baka.