CAUAYAN CITY – Hindi bababa sa ₱40,000 ang natangay sa isang apartment sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela matapos pasukin ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang tatlong kwarto nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay “Irish,” isa sa mga nanakawan, sinabi niya na hindi niya namalayan na pinasok sila ng magnanakaw. Nagulat na lamang siya nang magising at mapansing wala na ang dalawa niyang cellphone, pati na rin ang halos ₱10,000 na perang pang-tuition sana ng kanyang anak.
Maging ang mahahalaga niyang identification cards ay tinangay din.
Aniya, nakita na lamang niya ang kaniyang mga bag na pinaglagyan ng pitaka at cellphone sa labas ng kaniyang kwarto, partikular sa tapat ng kapwa niya boarders na nilooban din.
Aminado si Irish na minsan ay iniiwan nilang bukas ang kanilang pinto sa pag-aakalang ligtas sila sa lugar, kaya naman labis silang nangamba para sa kanilang kaligtasan matapos ang insidente.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay “King,” isa rin sa mga nilooban, sinabi niya na nagising siya ng alas-3 ng madaling araw at dito na niya napansin na bukas ang kanilang pinto.
Buong akala niya ay naiwan lang itong bukas ng kaniyang pinsan, ngunit nang kaniyang suriin ang mga personal na gamit ay dito na niya napag-alaman na nawawala na ang kaniyang pitaka at bag.
Mabuti na lamang, aniya, at hindi sila nasaktan ng magnanakaw, bagay na ipinagpapasalamat ng kanilang kaanak.
Ito ang unang pagkakataon na nabiktima sila ng kawatan sa loob ng tatlong taong paninirahan sa naturang apartment.
Samantala, hindi rin inasahan ni “Nery” na sa loob lamang ng dalawang buwang paninirahan nila sa nabanggit na apartment ay papasukin na sila ng magnanakaw.
Kampante kasi umano siya sa kanilang seguridad, lalo na’t mayroon silang kasamang pulis sa apartment.











