--Ads--

Dahil sa banta ng papalapit na Bagyong Uwan, aktibong nagsasagawa ng sapilitang paglikas ang mga Local Government Units (LGUs) sa Rehiyon 02, partikular sa mga lugar na tinuturing na mataas ang panganib.

Ayon sa Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council (CVDRRMC), ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na paghahanda at pagtugon sa sakuna, alinsunod sa CVDRRMC Memo 145, serye ng 2025.

Batay sa pinakahuling ulat mula sa Cagayan Valley DRRM Operations Center (CVDRRMOC), humigit-kumulang 2,162 pamilya o 6,250 katao mula sa 132 barangay ang ligtas nang nailikas. Itinuturing ang maagap na paglikas na kritikal sa pagpapanatili ng kaligtasan at kapakanan ng mga residente habang papalapit ang bagyo.

Binigyang-diin ng Tagapangulo ng CVDRRMC ang urgency ng sapilitang paglikas, at ipinaalala na dapat itong matapos bago mag-5:00 ng hapon sa Linggo, Nobyembre 9, 2025.

--Ads--

Patuloy naman ang mga LGU sa paghahanda ng mga evacuation center, kasabay ng pagtitiyak na may sapat na suplay at tulong para sa mga pamilyang nailikas.