Umabot sa 1,439 na mga estudyante ang tumanggap ng scholarship payout mula sa lokal na pamahalaan ng Ilagan sa ilalim ng tatlong programa—ISIP Outside, ASES at SUCCESS.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Jayvee Diaz, sinabi nito na ang ISIP Outside ay para sa mga estudyanteng nag-aaral sa labas ng lungsod, habang ang ASES o Academic Excellence Support ay para sa mga academically outstanding students, at ang SUCCESS naman ay nakatuon sa mga kumukuha ng postgraduate studies.
Ayon kay Vice Mayor Diaz, ang payout ay bahagi lamang ng mas malawak na target ng lungsod na makapagbigay ng scholarship sa mahigit 6,000 estudyante sa loob ng isang taon.
Binigyang-diin ng opisyal na patuloy ang pagpapalakas ng City Government ng Ilagan sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo para sa scholarship programs.
Dagdag pa nito, layunin ng mga programang ito na masuportahan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral, lalo na sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya.
Tiniyak pa ng bise alkalde na magpapatuloy ang naturang programa upang mas maraming kabataan ang mabigyan ng pagkakataong makapagtapos at maabot ang kanilang mga pangarap.











