Tinanggihan ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang lahat ng komunikasyon ng ICC Registry sa mga medical experts na nagsuri sa kanyang kakayahang humarap sa paglilitis.
Sa limang pahinang desisyon, sinabi ng mga hukom na hawak na ng depensa ang lahat ng kinakailangang impormasyon hinggil sa interaksiyon ng Registry at sa mga eksperto, pati na sa mga instruksyong ginamit sa kanilang ulat.
Ayon sa ICC, “hindi warranted” ang disclosure ng lahat ng komunikasyon nang walang sapat na batayan mula sa depensa. Samantala, nananatiling nakabinbin ang desisyon ng mga hukom kung ituturing na fit si Duterte na humarap sa paglilitis, batay sa pagsusuri ng mga eksperto.
Dumating sa The Hague, Netherlands si Davao City Rep. Paolo Duterte upang dalawin ang kanyang ama. Kasama niya ang bunsong kapatid na si Veronica Duterte.
Sa isang panayam, ikinuwento ni Paolo na nakita niyang mahaba na ang buhok ng dating pangulo, naligo ngunit hindi kumain, at natulog lamang sa loob ng selda.
Batay sa itinakdang itinerary, nakatakda ring bumisita si Duterte sa Australia mula Enero 3 hanggang 30, matapos bawasan ang kanyang travel clearance mula sa dating 17 destinasyon tungo sa dalawa na lamang.
Samantala, namataan si Vice President Sara Duterte sa Clark, Pampanga, ngunit hindi kinumpirma ng OVP ang detalye ng kanyang pagbisita. Ayon sa opisina, pinangunahan ng Bise Presidente ang inauguration ng isang pribadong donasyong proyekto sa Cawayan, Masbate.
Samantala, hinamon ni Senadora Imee Marcos ang mga awtoridad na ipatupad ang umano’y arrest warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, kung ito ay tunay na umiiral.
Ayon kay Marcos, matagal nang umiikot ang ulat na nasa bansa na ang warrant mula ICC, ngunit wala pa ring opisyal na aksyon. Aniya, nagdudulot ito ng “psychological persecution” kay Dela Rosa at sa mga tagasuporta ng dating administrasyon.











